Laging Bago!

Gusto ko ng bago!

Naaalala ko pa nung batang musmos pa lang ako. Nagkakaroon kami ng bagong damit pag pasko. Isusuot kapag mamamasko at kapag sisimba. Tuwang-tuwa ako kapag may bagong damit.

Masarap ang pakiramdam ng may mga bagong bagay, o bagong kagamitan.

Sabi ng mga nagreresearch, yun mga bagong bagay daw ay nakakapagpasaya sa tao. Yung mga utak natin ay attracted sa mga bagong bagay, at nagrerelease ang brain natin ng “dopamine” (“happy hormone”) para mas gustuhin pa ang isang bagay upang makahanap o makakuha ng reward.

Parang ang hirap i-explain, pero basta ang alam ko gusto natin ng mga bago. Gusto natin yung mga latest gadget, at kahit sa mga balita , gusto natin tayo ang unang makakuha.

Siyempre sa pagkain, mas gusto natin ang bagong luto, mainit-init pa. Sa mga gulay at prutas, yung mas bago, mas sariwa, yun ang mas gusto natin.Yung bahaw o left-over, madalas di na pinapansin. Lalo kung napanis na o inamag na, itatapon na lang.

Bagong bahay, bagong damit, bagong gamit, bagong gadget, bagong sapatos, at kung anu-ano pang bago. Basta bago mas fresh, mas malinis, mas mabango o mas makintab. Sino ba namang may gusto ng luma, eh di gasgasin na yun at saka kupas na.

Pero merong mga luma na mas okay kaysa bago. Yun bang mga sinasabi nilang pinatatag ng panahon. Siyempre pag bagong piloto o driver, parang nakaka nerbiyos mag biyahe, ang gusto natin yung bihasa na, batikan o marami ng karanasan.

Maaring di tayo komportable sa mga bagong tao na walang pang experience dahil baka pag practisan lang tayo. Kagaya marahil ng bagong doctor o bagong mangugupit ng buhok.

Merong mga taong nagsasabi na mas magaganda yung mga lumang bagay, luma man, pero mas matitibay. Mas magaganda ang materyales na ginamit.

Pero ewan ko ba, talagang gusto natin lagi ng bago. Mas masaya pag may bago.

ANO ANG LAGING BAGO?

Sa bibliya, merong bagay na laging bago, laging sariwa, bawat umaga, hindi ito naluluma. Ito ang pag-ibig at kahabagan ng Diyos, bawat umaga ay sariwa.

Ito ang bagay na laging bago na free na ibinibigay sa atin ng Diyos araw-araw. Di na natin kailangang bilihin o hangarin makuha dahil bukas palad na ipinagkakaloob ng ating Ama sa langit.

Bagong buhay, bawat umaga, pag gising natin, sariwa at bago ang pag-ibig at awa ng Diyos. Purihin Siya. Pag-gising natin ngayon, at pag-gising natin bukas at sa mga araw pang darating, laging bago ang pag-ibig ng Diyos. Bagong umaga, bagong pag-asa, bagong blessing.

At meron pa, binibigyan tayo ng Panginoon ng bagong buhay, bagong panimula kung hahayaan natin Siyang baguhin ang ating buhay.

Sa bawat bagong araw, ang pag-bubukang-liwayway ay nagpapakita o sumisimbulo sa liwanag ng Diyos na nag-aalis ng kadiliman at simbolo ng awa ng Diyos na magkakaroon tayo ng tagumpay sa ating buhay.

Ano pa, ang pag-ibig ng Diyos ay di na-eexpired.

Yung mga pagkain, mga gamot, mga gamit, o anu pa man, naluluma, nasisira, na eexpired. Pero hindi ang pag-ibig at awa ng Diyos. Hindi nag-iiba, hindi nagbabago kundi laging bago, laging available, walang ubos. Di na a out of stock, pang forever pa.

Kaya, dapat lagi tayong magpasalamat sa Diyos. “Every gising is a blessing” ika nga. Aba, di tayo marunong gumising ng sarili natin, pero merong Diyos na nagmamahal sa atin at tuwing umaga ay ginigising tayo. Biruin ninyo, ginising na tayo, may kaloob pa na pagkain, tapos binibigyan pa ng lakas para magtrabaho at may makalaan pang blessing sa atin sa maghapon. WOW, super wow ang pag-ibig at biyaya ng Panginoon.

Kung anuman ang meron tayo ngayon sa buhay mga bago man o lumang bagay. Lagi natin alalahanin na ang Diyos ang may kaloob sa atin. Ganon din, anuman ang pinagdaraanan natin sa buhay, may problema, hirap o sakit. Tuwing umaga, bawat araw, nakalaan parin ang bago at sariwang biyaya, pag-ibig at awa ng Diyos.

Kaya, lasapin natin at namnamin ang kabutihan ng Diyos sa bawat araw ng ating buhay. Pasalamatan natin Siya.

Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.

Awit 34:8

Comments are closed.

  • Christian Merchandise