Hay, nakakapagod din. Ang bilis ng ikot ng mundo, nakakahilo na. Lahat ng tao abala, may ginagawa. Parang mga robot na, ayaw ng magpahinga.
Sa tingin ko nawawala na sa tao ang kasanayan o kaugalian ng pagpapahinga. Dahil sa kaabalahan at sa mga hanapbuhay, parang ang hirap ng magpahinga. Lalo na’t sa panahong ito na ang ating mga isip at mata ay nakatutok lagi sa gadget.
Aba’y bakit ka nga naman magpapahinga, daming babayarang bills, daming dapat tapusin, maraming responsibilidad, maraming umaasa, sayang ang oras if titigil pa at magpapahinga.
Ayon sa mga doctor, kailangan ng katawan natin ng pahinga. Kapag tayo ay kulang sa tulog, hindi kaya ng katawan natin na buuin o i-rechage ang sarili ng sapat.
Ganon di ang sabi ng mga athletes, ang pahinga ay kailangan para maayos ng mga kalamnan ang kanilang sarili at maiwasan ang pinsala.
Kahit ang mga nag-sisipag-aral, sinasabi nilang kailangan din ng isip natin ng pahinga. Mas rested ang brain, mas nakaka focus at mas ok ang judgment. Refresh ang utak.
At ang maraming relihiyon sa daigdig, nagsasabi ring mahalaga na magkaroon ng panahon para magpahinga. At sa katuruang Kristiyano, anim na araw na magtatrabaho at ang pam pitong araw ay pahinga.
Kahit nga sa mga trabaho natin, merong break time kahit saglit nga laang. Dahil mas productive tayo if nagkakaroon tayo ng pahinga.
Kailangan pala talaga ng katawan ng pahinga, pero parang sa takbo ng buhay natin ngayon. Parang ayaw nating mamahinga, baka nga kung pwedeng di na matulog , baka lahat ng tao di na matulog. Trabaho na lang ng trabaho ang gagawin.
Aba, kahit nga mga hayop, nangangailangan din ng pahinga. At maging mga makina, bagamat hindi napapagod eh dapat ding bigyan ng pahinga. Kung hindi eh mag-oover heat at madaling masisira. Madadali ang pagkawasak pag di binigyan ng pahinga.
Ganyan din sa ating mga katawan, pag di natin binigyan ng pahinga, pinapa-igsi natin ang ating buhay.
Kailangan ng ating katawan, ng isip at ng ating mga kaluluwa ang pagpapahinga.
Ang pahinga ay napakahalaga para sa mas mahusay na kalusugan ng isip, mas nakaka concentrate tayo , mas nagiging malusog ang ating immune system, nababawasan ang stress, okay lagi ang ating mood at ang katawan natin ay may mainam na metabolismo.
Kaya ating ibalik yung pagpapahinga, sa ating mga sarili at sa ating mga kabataan. Hindi laging puro trabaho, hindi laging abala, hindi laging may ginagawa, kundi binibigyan ng panahon ang sarili na magpahinga.
Nakakalungkot isipin na madalas, ang tao nagpapahinga lang sa trabaho kapag may nararamdaman na sa katawan. Bawat isa sa atin ay binigyan o pinahiram ng Diyos nag tig-iisang katawan, kaya responsibilidad nating alagaan ang ating katawan.
Pwede naman palang mag break, hindi yung hihintayin pang mapilayan, bago mag stay sa bahay. Ang gusto pang pahinga eh yung sa hospital, yung may nakatusok sa katawan, yung may taga-asikasong nurse.
Sa tingin ko, kapag sa katawan ninyo may sumasakit, iyon ang katawan ninyo na nag-susumigaw na, “ako nama’y bigyan mo ng pahinga”.
“Sa bahay muna ako, nag leave ako ng 1 week sa trabaho, kasi paga yung paa ko at masakit ang likod ko.” Minsan naman, “ako’y nag off sa trabaho ng 3 days, at ako’y mag lilinis ng bahay.” Naririnig natin minsan, aba’y pahingang pwersahan na. Mas masarap yatang mag leave from work na mag rerelax sa bahay o sa pasyalan.
Kaya bago mangyari na ang katawan ay bumigay, aba’y ating bigyan ng pahinga. Wag ng hintayin na mamahinga sa kama ng hospital.
Hindi naman ibig sabihin na magpahinga eh, magtatamad na o magsasayang ng oras sa pamamasyal o paglilibang. Yung sapat na pahinga sa katawan at isip, para makapag-recharge ang sarili.
SA tingin ko, ang tao kaya nawawalan na ng time magpahinga ay dahil sa kaisipang, pag mas marami kang kinita, na acquire, narating o nakamit eh mas gaganda ang buhay. Kaya para maabot ang pangarap, kailangang kumayod ng kumayod.
Kailangan nating matutunang ma kuntento, enjoyin yung mga meron tayo, at lubos na magtiwala sa Diyos, dahil siya ang nagkakaloob sa atin ng mga kailangan natin.
May kapahingahan para sa lahat
Ang sagot sa kapaguran, ay ang pagpapahinga. At sa bibliya po ay nag-aanyaya ang Panginoon sa lahat.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.”
Mateo 11:28
Kung tayo po ay napapagod, nahihirapan, o nabibigatan sa mga dalahin natin. May Diyos po na nagkakaloob ng kapahingan. Hindi lang po pisikal, kundi pati isip at kaluluwa at buong buhay natin ay magkakaroon ng kapahingahan at kapayapaan.
Lumapit tayo sa Diyos na nagbibigay buhay at nagkakaloob ng kapahingahan.
Makaroon tayo ng araw o oras ng pagpapahinga, pahalagahan ang pahinga at i-practice. Di puro trabaho at mga kung anu-anong gawain sa araw-araw. Ang ating katawan ay nilikhang dapat may pahinga. Dapat maging intentional tayo, kasi kung hindi, mawawalan na talaga ng time na magpahinga. Dahil sa ubod ng daming kaabalahan sa buhay. Mag ukol ng isang araw para sa pagpapahinga, para makapag relax. Araw para sa Diyos, sa pagsamba, pagpapasalamat at pagdarasal, at araw upang enjoyin kasama ang mga mahal sa buhay.